PILIPINO ASSOCIATION OF WORKERS AND IMMIGRANTS

Panawagan ng Migrante USA sa mga Pilipinong Manggagawa sa U.S.

Lumalaganap ngayon ang Covid-19 sa Estados Unidos. Ang California at New York na may malaking konsentrasyon ng mga manggagawang Pilipino ay may tumataas na bilang ng mga biktima ng Covid-19. Ayon sa DOLE*, may 6 na OFW na sa U.S. ang may sakit. May 538 tripulante at pasahero ng tinamaang barko na Grand Princess cruise ship ang kamakailang nag-disembark sa Oakland, CA. 

Ang Migrante USA ay nananawagan sa lahat ng manggagawang Pilipino sa Estados Unidos na manatiling mapagbantay (vigilant) hindi lamang sa kalusugan kundi pati sa ating mga karapatan bilang manggagawa, kasapi man sa unyon o hindi, dokumentado man o hindi.

1. Alamin ang tama at mahalagang impormasyon hinggil sa COVID-19.

Sa panahon na lumalaganap ang nakahahawang sakit na dulot ng Covid-19, mahalaga na alamin ang mga opisyal na babala at payo mula sa kinauukulan lalu na mula sa mga ekspertong doktor at propesyunal pangkalusugan. Tiyakin na tama ang mga impormasyon at huwag magpalinlang sa mga “fake news”. 

Dinggin ang panawagan at babala mula sa kinauukulang ahensya ng gobyerno (local, city or state) tulad ng tamang paghuhugas ng kamay, pag-iwas sa paglabas o pakikisalamuha sa maraming tao bilang paraan ng pag-iwas sa sakit, at iba pang impormasyon at mga direksyon ukol sa pag-iingat pangkalusugan.

2. Makilahok sa sama-samang pangangalaga ng kalusugan ng sarili, pamilya at komunidad.

Kaisa ang Migrante USA sa malawak na panawagan hinggil sa pangangalaga sa kalusugan.  Alamin ang mga matuwid na hakbang upang maka-iwas sa Covid-19 tulad ng tamang paraan ng paghuhugas ng kamay, pag- “self-quarantine” pag may sintomas, pag-iwas sa mataong lugar at iba pang hakbang sa pag-iingat ayon sa direksyon ng mga propesyunal at ekspertong medikal. Maagap na magpa-konsulta sa doktor kung may nararamdamang sakit (lalu na ang lagnat, ubo at karamdaman sa paghinga). 

Tandaan na pinaka-bulnerable ang sinumang edad 50 pataas at may mga “pre-existing conditions” tulad ng diabetes, sakit sa puso (cardio-vascular), sakit sa baga (respiratory), kanser, “compromised immune system”, at alta-presyon (hypertension/high blood). 

Alamin ang mga patakaran at itinakda ng inyong medical insurance. At kung wala kayong medical insurance ay alamin kung paano ito magagawan ng paraan. Alamin kung saan at paano makakakuha ng libre o murang testing sa Covid-19 sa inyong mga lunsod. Huwag isa-walang bahala kung mayroong nararamdamang sakit.

Maaaring lumapit sa pinaka malapit na organisasyon ng Migrante USA upang makakuha ng impormasyon hinggil sa pagkuha ng atensyong medikal o di kaya ay mai-refer kayo sa mga non-profit organizations na maaaring makatulong hinggil sa usapin ng medical insurance. 

3. Alamin at ipaglaban ang mga karapatan bilang manggagawa. 

Mayorya ng Pilipino sa Estados Unidos ay mga manggagawa na kalakhan ay nagtatrabaho sa service industry. Bagama’t may mga propesyunal na maaaring makapag-“work from home”, kalakhan ng mga manggagawa ay walang ganitong option. Maraming bilang ng mga Pilipino ang maaapektuhan ang kabuhayan kung sakaling magkaroon ng “lockdown” o sapilitang “quarantine” kung saan ay hindi na pwedeng umalis ng bahay upang pumasok sa trabaho. 

Tiyakin na alam ninyo ang mga patakaran at kundisyon hinggil sa inyong “sick leave” at iba pang bagay hinggil sa pagliban sa trabaho kung sakaling hindi kayo makakapasok dulot ng COVID-19.

Kung may iba kayong katanungan hinggil sa inyong mga karapatan bilang manggagawa, lumapit sa pinaka-malapit na kasaping organisasyon ng Migrante USA para sa katanungan at/o referral sa labor attorney. 

4. Manindigan para sa karapatan ng mamamayang Pilipino! Nakikiisa ang Migrante USA sa panawagan ng mga progresibong organisasyon sa Pilipinas na ipatupad ang mga sumusunod: Libre at malawakang testing sa Covid-19, maagap at libreng serbisyong pangkalusugan, dagdag na deployment ng health workers, proteksyon sa mga manggagawa at mahihirap, at dagdag na supply o rekurso. Labanan ang kontra mamamayang lockdown at kaltas sa badyet para serbisyong pampubliko!

Nakikiisa din ang Migrante USA sa panawagan ng Migrante International para sa mga embahada at konsulado na maging aktibo sa pag-alalay sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga migrante (pag-acquire ng testing kits at pamamahagi ng supply) at pagtiyak ng maagap na compensation at suporta sa mga apektadong migrante.

5. Manindigan laban sa diskriminasyon at racism.

Dahil ang Covid-19 ay unang kumalat sa China, hindi nangangahulugan na dapat sisihin ang mga Chinese. Maraming Pilipino sa ibang bansa ang biktima ng karahasan dulot ng paninisi at diskriminasyon laban sa mga Asian kasama na ang mga Pilipino. 

6. Makiisa sa mga manggagawa sa buong daigdig. Sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19, lumilitaw lalo ang kahirapan at iba pang suliraning panlipunan at ang mga manggagawa ang tinatamaan nang husto. Maraming manggagawa ang hindi kakayaning makipag-“social distancing” at mag-“work from home” dahil sa kondisyon ng kanilang trabaho sa manupaktura at serbisyo kung saan kailangan nila makisalamuha sa mga tao. Gayundin, wala silang ibang paraan upang gumalaw sa syudad kung hindi gagamit ng madalas masikip na mass transportation. Higit sa lahat, dahil sa pagbaba ng sahod, kawalan ng job security at pagbawi sa mga benepisyo, ang mga manggagawa ay walang kakainin at ipapakain sa pamilya kung hindi sila makakapagtrabaho. Dahil sa matinding pribatisasyon ng serbisyong pangkalusugan, hirap ang mga manggagawa na abutin ang mga serbisyong pangkalusugan.

Walang pag-aalinlangan ang mga kapitalistang sisantehin ang mga manggagawa o bawasan ang oras nang walang compensation upang iwasan ang pagbulusok ng kanilang tubo. Makikita ito sa mass lay-offs tulad ng sa Philippine Airlines (300 workers). Maraming kontrata ng mga migranteng Pilipino ang nakansela na nang walang compensation para sa kanila at mga pamilya nila.

Maraming manggagawang Pilipino sa ibang bansa ang higit na apektado ng Covid-19 (China, Hong Kong, Taiwan, Japan, South Korea, Australia, Italy, atbp.). Kailangan tayong magkaisa, magtulungan at mag palitan ng tamang impormasyon kung paano matitiyak ang kagalingan at karapatan bilang mga migranteng manggagawa o OFWs. Walang ibang magtutulungan kundi tayong mga Pilipinong manggagawa din. 

Sa panahon na umiigting din ang krisis pang-ekonomiya at ngayo’y nadagdagan pa ng matinding banta sa kalusugan ng tao na dulot ng COVID-19, mahalaga ang pagkakaisa ng uring manggagawa upang matiyak ang paninindigan, pakikipaglaban at pakikibaka para sa karapatang mabuhay, magtrabaho nang may seguridad at karapatan sa serbisyong pangkalusugan.

Makibaka! Huwag Matakot!

Manggagawang Pilipino Magkaisa!

Mabuhay ang uring manggagawa!

References:

 

 

 

Share this:

Like this:

Like Loading...
%d bloggers like this: